Pinoy Citizen Journalism

December 6, 2008

Kuwento ng madla, pamamahayag ng madla

Filed under: Uncategorized — krguda @ 8:13 am
Tags: ,

pcjs-logoDI PA man alas-10 ng umaga na tinakdang oras ng pagsisimula ng programa noong Nobyembre 29, “standing room only” na ang Seminar Room ng National Institute of Geological Sciences (Nigs) sa UP Diliman.

Katunayan, lampas alas-otso pa lamang, may mga naghihintay na sa labas ng benyu. 50 hanggang 70 lang ang inaasahan naming dadalo sa kauna-unahang Pinoy Citizen Journalism Seminar. Ipinamalita lang kasi namin sa internet at ipinakalat sa mga kuwentu-kuwento ang Seminar, na mukhang kauna-unahan ngang seminar ng citizen journalists sa Pilipinas. May pang-engganyo pa kami sa mga dadalo, para masiguro lamang na di lalangawin: libreng pananghalian sa unang 50 pre-registrants.

Pero sa araw mismong iyon, humigit-kumulang sa 100 ang dumagsa sa Nigs — para dumalo sa lektyur nina Prop. Danny Arao at Tonyo Cruz, at para matuto sa iba’t ibang skills training sa pagsusulat ng balita at lathalain, photojournalism, pagkuha ng bidyo, at science blogging. Halatang uhaw sa kaalaman ang mga nagsipagdalo. Hindi na mahalagang hindi sila umabot sa unang 50 nabigyan ng pananghalian. Ang mahalaga, nakadalo sila sa breakout sessions, at natuto (sana) sa panimulang mga talakayan hinggil sa limang nabanggit na larangan.

Hindi namin sinasabi ito dahil kami ang nag-isponsor (kasama ang College Editors Guild of the Philippines, Computer Professionals Union, Agham-Youth at UP GEMS), pero masasabi talaga naming “breakthrough” ang naturang Seminar. Bilang mga mamamahayag kasi, palagi kaming naiimbitahan sa mga workshop, seminar, at lecture para magbahagi ng aming kaalaman sa pagsusulat, pagkuha ng larawan at iba pang gawain sa pagdidiyaryo. Pero kalimita’y kabataang mga mamamahayag ang odyens. Sa Seminar na ito, nangahas kaming ibukas sa iba’t ibang sektor ng lipunan ang pagsasanay sa pamamahayag. Kaya nga pinili naming gamitin ang konsepto ng “citizen journalism.”

Nakakatuwa ang saklaw ng odyens na dumalo. Siyempre, maraming bilang pa rin ang mula sa kabataan — iyong batikang mga blogger, manunulat sa kampus, mag-aaral ng pamamahayag. May mga representante ang iba’t ibang publikasyon sa kampus, mula FEU hanggang PUP hanggang UP Los Baños. Pero nakakatuwa ang paglahok ng iba’t ibang organisasyong kumakatawan sa batayang mga sektor. May mula sa mga kawani ng gobyerno, manggagawa, migrante, kababaihan. Marami ang mula sa sektor ng kalusugan. May mga mula sa organisasyong pangkarapatang pantao. At marami pang iba.

Indikasyon ito ng pagnanais nilang masandatahan ng karampatang kaalaman — para sila na mismo ang mag-ulat ng kani-kanilang mga istorya. Napakarami ang limitasyon sa masmidya, laluna sa mainstream na masmidya. Bakit hindi sila na mismo ang maging mamamahayag ng kanilang mg isyu — silang mismong nasa front lines ng balita, silang mismong araw-araw na nakakasaksi sa mahahalagang panlipunang kaganapan? Madalas silang walang boses sa masmidya. Sa tulong ng Seminar, sana’y nabigyan sila ng kaunting kaalaman at, mas mahalaga, ng kumpiyansa sa sarili, para maging “citizen journalists.”

Panimula pa lamang ang inilunsad noong Nobyembre 29. Salamat sa lahat ng tumulong para masakatuparan ito: sa mga kapwa isponsor sa CEGP, CPU, Agham-Youth, UP GEMS at PhilippineReader.com; sa UP Nigs; sa mga naglektyur: kina Prop. Arao at G. Cruz, at sa mga nagbahagi ng kanilang kaalaman: sina Iris Estrera (newswriting), Rowena Paraan (features writing), Jimmy Domingo (photojournalism), EJ Mijares (videography) at Dr. Giovanni Tapang (science blogging); at, siyempre, sa mga dumalo — sa mga estudyante’t kabataan na dinayo ang sulok na ito ng UP Diliman, at sa mga miyembro’t kinatawan ng iba’t ibang sektoral na organisasyon.

Para sa inyo lahat ang isinagawang Seminar. Para sa inyong lahat ang aming mga larawan at panulat.

* * *

01-registration
Registration: Alas-nuwebe ng umaga, dagsa na ang mga nagsipagdalo.

02-rick-bahague
Isa sa mga nagbigay ng paunang salita si Rick Bahague ng Computer Professionals Union.

03-danny-arao
Masusing tinalakay ni Prop. Danny Arao ang konsepto ng citizen journalism at ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang citizen journalist.

04-pluma-at-papel
Samantala, abala rin si Soliman Santos, manunulat ng Pinoy Weekly, sa pagbenta ng librong Pluma at Papel, koleksiyon ng mga sanaysay ng tagapangulo ng editorial board ng Pinoy Weekly na si Rogelio Ordoñez.

05-tonyo-cruz
Masigla at kuwelang tinalakay ni Tonyo Cruz ang mayamang potensiyal ng new media.

06-mon-ramirez
Isa sa mga nagbahagi sa open forum si Engr. Mon Ramirez, hinggil sa mga karanasan ng Arkibong Bayan — isa sa pinakamaningning at matagumpay na kuwento ng citizen journalism.

07-lunch-break
Pila-pila sa pagkain.

08-getting-ready-for-sessions
Paghahanda para sa breakout sessions.

09-ej-mijares1
Si EJ Mijares ng Sine Patriyotiko (Sipat) ang tagapagsalita para sa sesyon sa videography.

10-iris-estrera
Masaya at makulay naman ang talakayan hinggil sa newswriting sa pangunguna ni Iris Pagsanjan-Estrera, associate producer ng Saksi sa GMA-7 News.

11-weng-paraan
Masinsin at mabunga ang talakayan hinggil sa features writing sa pamumuno ni Rowena Paraan ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).

12-ganni-tapang
Interesante at hindi lang pang-“geek” ang diskusyon hinggil sa science blogging ni Dr. Giovanni Tapang ng UP National Institute of Physics at AGHAM.

13-jimmy-domingo
Sa kabila ng “nakabubura ng mukha” na lamig ng aircon, patok sa takilya ang diskusyon sa photojournalism ni Jimmy Domingo ng Conrad Adenauer Center for Journalism sa Ateneo de Manila University.

14-ej-mijares2
Nagsagawa pa ng hands-on training sa mga nagsipagdalo sa kanyang sesyon si EJ Mijares ng Sipat.

15-pinoy-weekly-staff
Ang istap ng Pinoy Weekly na ilan sa mga responsable sa paghahanda para sa Seminar: (Mula kaliwa) Soliman Santos, Jeffrey Ocampo, Darius Galang, Kenneth Guda, at Ilang-Ilang Quijano.

Mga larawan nina Jeffrey Ocampo, Darius Galang, Ilang-Ilang Quijano at Makis Magaling

* * *

Orihinal na lumabas ang artikulong ito sa Pinoy Weekly.

May isinulat si Tonyo Cruz hinggil sa event.

Nag-post naman ng mga larawan ng kaganapan ang CEGP.

Nag-post din si Prop. Danny Arao hinggil dito.

May mga nasulat ang ilang bloggers hinggil sa Seminar: dito at dito.

Nagsulat naman ng kolum sa Manila Times si Rick Bahague ng CPU hinggil sa Seminar.


Muli congrats sa ating lahat na naging bahagi ng Pinoy Citizen Journalism Seminar! Sa uulitin!

Advertisements

Create a free website or blog at WordPress.com.